“Tagu-taguan maliwanag ang
buwan, masarap magtago sa dilim-diliman”, iyan ay ilan lamang sa pahayag na
binibigkas ng isang kabataan kung siya ay maglalaro ng taguan. Kilala tayong
mga Pilipino sa paglalaro ng mga larong kaakit-akit, kakaiba at nakakaaliw.
Nariyan iyong sinusundo ka ng nanay mo habang naglalaro ka kasama ang iyong mga
kaibigan. Nariyan rin iyong halos basang-basa
ka sa pawis dahil sa pagtakbo at pagtatago sa masisikip na lugar.
Nariyan iyong pagpingot ng nanay dahil ayaw mo pang umuwi.
Isa
sa larong Pilipino o tinatawag ring Laro ng Lahi ay ang taguan. Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva
Ecija at Pampanga, ito ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay Hide and Seek.
Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na
halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may
tukuyin na “taya”. Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng
hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base.
Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kanyang
mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga
nagtago. Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base
nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa
pagkataya ang sinumang makapunta dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang
laro kung ang lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
Hindi rin mawawala sa mga laro ng lahi ang mga larong
patintero, palosebo, trumpo, sipa, bahay-bahayan, jack en poy, luksong baka,
siyato at iba pa. Mga larong nagpapakita ng malikhain ng mga Pilipino. Larong
nakagisnan na ng ating mga magulang. Larong nagpapakita ng kultura ng lahing Pilipino.
Larong dapat ipagmalaki sa lahat. Ikaw, ano ang laro mo?
No comments:
Post a Comment