Saturday, February 16, 2013

Wikang Filipino: Ano ang Halaga mo?


“Ang hindi magmahal  sa sariling wika ay higit pa sa mabaho at malansang isda’’, ito ang katagang iniwan ng ating pambansang bayani na si Gat. Jose Rizal. Nangangahulugan lamang ito na bilang mga Filipino ay dapat na mahalin at pahalagahan natin ang Wikang  Filipino.
Kung ihahanay sa mga wika ng ibang bansa ay hindi naman pahuhuli ang sariling atin. Bukod sa pambansang wika Filipino  ay nakahanay ang humigit kumulang 400 diyalekto mula sa iba’t  ibang rehiyon at lalawigan na kung iyong mapakikinggan ay mamamangha ka dahil sa sariling kakayahan ng bawat  isa. May sariling tono, pagpapakahulugan at paraan ng pagbigkas. Tunay na maipagmamalaki mo na ikaw ay isang Filipino dahil sa yaman ng ating bokabularyo . Sabihin pa ang mga bagong likhang salita sa makabagong panahon na nagpapatunay ng pagiging buhay at daynamiko ng wika .
Kaya’t kung susubukin mong tangkilikin ang ibang wika , lingunin mo muna ang wika mo at isipin na sa libong wika sa mundo nakahihigit pa rin ang Filipino. Ito ang ating pagkakakilanlan at ang diwa ng pagiging tunay na Filipino.




Taguan…Laro ng Lahing Pilipino


“Tagu-taguan maliwanag ang buwan, masarap magtago sa dilim-diliman”, iyan ay ilan lamang sa pahayag na binibigkas ng isang kabataan kung siya ay maglalaro ng taguan. Kilala tayong mga Pilipino sa paglalaro ng mga larong kaakit-akit, kakaiba at nakakaaliw. Nariyan iyong sinusundo ka ng nanay mo habang naglalaro ka kasama ang iyong mga kaibigan. Nariyan rin iyong halos basang-basa  ka sa pawis dahil sa pagtakbo at pagtatago sa masisikip na lugar. Nariyan iyong pagpingot ng nanay dahil ayaw mo pang umuwi.
            Isa sa larong Pilipino o tinatawag ring Laro ng Lahi ay ang taguan. Isang larong sikat sa mga lalawigan ng Pangasinan, Nueva Ecija at Pampanga, ito ay hango sa larong Ingles na ang tawag ay Hide and Seek. Magandang maglaro nito sa mga lugar na maraming kubo, puno at matataas na halamanan. Kahit ilang tao ay pwedeng sumali, ang kailangan lamang ay may tukuyin na “taya”. Ang sinumang matukoy na taya ay siyang magbibilang ng hanggang 30 habang nakapikit at nakasandal sa puno na nagsisilbing home base. Habang ang taya ay nagbibilang, ang mga kalaro ay naghahanap ng kanya kanyang mapagtataguan. Pagkatapos magbilang ng taya ay hahanapin na niya ang mga nagtago. Ang bawat nagtago naman ay hahanap ng paraan upang makapunta sa home base nang hindi nakikita ng taya sabay sisigaw ng “save”. Maliligtas mula sa pagkataya ang sinumang makapunta dito nang hindi nahuhuli. Matatapos lamang ang laro kung ang lahat ng manlalaro ay nakalabas na sa pinagtataguan.
            Hindi rin mawawala sa mga laro ng lahi ang mga larong patintero, palosebo, trumpo, sipa, bahay-bahayan, jack en poy, luksong baka, siyato at iba pa. Mga larong nagpapakita ng malikhain ng mga Pilipino. Larong nakagisnan na ng ating mga magulang. Larong nagpapakita ng kultura ng lahing Pilipino. Larong dapat ipagmalaki sa lahat. Ikaw, ano ang laro mo?